Pangarap lang noon, natupad ngayon
Isa sa pinangarap ko bilang isang frustrated writer ay mailathala ang aking mga sinusulat.
Mahilig akong magsulat kahit noon pa, siguro dahil sa lumaki ako na maraming babasahin sa bahay kaya naimpluwensyahan akong magsulat ng mga ito. Ngunit hindi ganoon kataas ang antas ng tiwala ko sa mga sinusulat ko kaya hindi ko ito pinapabasa sa iba. Nagbago lamang ito noong ako ay nasa kolehiyo at ang isa sa mga propesor ko (si Sir Dominador Misarol) ang nakahikayat sa akin kasama ang aking mga kaibigan na ipasa sa kanya ang nobela na sinimulan ko at pinagtulungan naming tapusing magkakaibigan.
Nailathala ang aming nobela sa pahayagang SAKSI NGAYON Mata ng Balita sa bahaging Pitak Pang-estudyante. "Kapangyarihan ng Bulag na Araw" ang pamagat ng nobelang ito na bunga ng malilikot naming isipan. Sinimulan ko ito noong minsan kaming papalabas ng pamantasan na naghaharutan at sumigaw ang isa sa mga kaibigan ko ng linyang iyan. Naisip kong magandang gawing kuwento kaya sinimulan ko ito at binuo ang mga tauhan. Naging inspirasyon ko rin sa pagsusulat nito ang anime series na Ghost fighter (YuYu Hakusho) dahil ito ang palabas noon sa telebisyon tuwing gabi.
Hindi natapos ang paglalathala ng nobela sa pahayagang iyon dahil sa ito ay nagsara. Ilang isyu lang rin ang nakuha ko sapagkat naging mahirap makabili ng kopya. Iyon na yata ang huli kong pagkakataong makapagpasa.
Lumipas ang mga taon hindi ko naisip magpasa ng mga naisusulat ko kung meron man pero gumawa ako ng blog para doon magpahayag at magkuwento.
Nitong nakaraang taon 2019, may mga nakilala akong mga manunulat at bumubuo ng mga antololohiya mula sa klase na aking pinasukan sa PUP. Nahikayat akong magpasa bagaman napakababa ng tiwala ko sa aking mga isinulat kahit naipabasa ko na ito sa iba. Nakakatuwang malaman na napili ang aking sinulat upang maging bahagi ng antolohiya.
Walang komento: