'Musta ka na?'
Madalas ka bang makatanggap ng ganitong mensahe sa messenger o kaya matanong ng ganito sa personal? Paano mo ito sinasagot? Kung tutuusin napakasimple ng tanong ngunit mahirap sagutin gayunpaman mabilis nating sinasagot ng 'Okay lang.' o kaya 'Ayos naman.' kahit ang totoo ay hindi talaga tayo okay.
Madaling sagot ang Okay lang o ayos lang dahil tapos agad ang usapan. Wala nang paliwanagan o elaboration. Basta tapos ang usapan sa Okay ako.
Pero alin ka ba sa dalawa, ikaw ba ang madalas magtanong ng musta ka na? o ikaw ang natatanong? Alin ka sa dalawa?
Isa ako sa mahilig magtanong niyan kapag biglang naisip ko 'yung isang kakilala o kaya kaibigan. Nagme-message ako sa kanila dahil nga sa naalala ko sila. At madalas na sagot nila - okay lang sila. Kung minsan nagtatanong pa sila kung anong dahilan kung bakit ako nangungumusta. At karaniwang nagiging sagot ko, walang dahilan dahil naalala ko lang sila at gusto ko lang silang kumustahin. Wala nang iba pang rason.
Kung minsan may mga nagiging totoo sa kanilang mga sarili at nagsasabing di sila okay at ang pangungumustang ginawa ay nagbigay sa kanila ng daan para magkaroon ng masasabihan o mahihingahan. Minsan kasi nahihirapan tayong humanap ng makakausap o kaya masasabihan ng mga bumabagabag sa atin kaya naman kapag sila ang nakumusta natin ay bigla na lang nagkukuwento.
Masarap sa pakiramdam na may mga nakakahuntahan o nakakausap tayo lalo na sa panahong ito na mahirap humanap ng paraan para huminga at mag-unload ng mga isipin. Mahirap makahanap ng makikinig sa mga gusto nating ilabas na damdamin o kaya mga hinaing. Nandoon kasi ang kaisipang daragdag pa tayo sa isipin ng makakausap natin.
Ngunit bukod sa mga iyon, hindi naman din talaga madaling magkuwento. Hindi madaling magsabi ng problema sa ibang tao. Masuwerte tayo kung makatatagpo ng mga kaibigang handang makinig sa mga kuwento ng buhay natin. Kaya naman kapag pinagkatiwalaan tayo ng kausap natin dapat lamang na bigyang halaga natin ang tiwalang binigay nila sa atin.
Mula sa simpleng tanong na 'musta ka na?', nagkakaroon ng mahabang huntahan sapagkat may nagbubukas ng kanilang sarili at ibabahagi ang kung ano mang mayroon sa kanila. Nabibigyan din ng pagkakataong makilala pa natin ng mas malalim ang ating kausap.
Hindi lang naman kasi tungkol sa mga problema ang maaaring mabuksan sa isang pangungumusta. Maaari itong maging daan sa pagpapalitan ng mga kuro kuro o opinyon sa mga bagay na gumugulo sa ating isipan. Maaari ring mga tanong na hindi natin mahanapan ng sagot o kaya ay pagnanais na makakuha ng perspektibo mula sa iba upang mapaglimian ang mga desisyong ating gagawin.
Mahalaga sa tingin ko ang tanong na 'musta ka na?' sapagkat isang uri ito ng pagbibigay natin ng halaga sa ating kapwa. Ngunit minsan, may mga pagkakataong may mga taong hindi natatanong ng ganito. Siguro dahil sa pag-aakalang ayos lang sila sapagkat palaging masaya ang pinakikita nila na para bang walang problema. At madalas, ang mga taong inaakala nating masaya sa buhay at matatag ay sila pang may mga malalalim na sugat na kailangang magamot ng simpleng pangungumusta upang gumaan ang kanilang nararamdaman.
Ayon nga sa ilang pag-aaral, malaki ang naitutulong sa ating mental health ang may nakakausap. Kaya naman sa simpleng pangungumusta, ito ay nauuwi sa mahaba-habang usapan. Nagkakaroon kasi ng espasyo para makapag-release tayo ng mga nararamdaman o saloobin. Nagkakaroon ng puwang ang tawanan o kaya naman pagpatak ng luha. At magiging bahagi na ito ng isang nakatutuwang alaala sa hinaharap sapagkat nagkaroon ng pagkakataon na may nakasama tayo sa panahong kinailangan natin ng kausap.
O, ikaw na nagbabasa nito, kumusta ka naman? (*^_^)
Walang komento: