Simula ng kanilang walang hanggan

Simula ng kanilang walang hanggan


Mula sa pagiging magkamag-aral, magkabarkada, magka-i-bigan hanggang matuloy sa pag-iisang dibdib. Ganito ang daloy ng kanilang kuwento. 

Hulyo nung nakaraang taon ng makatanggap ako ng isang regalo mula sa kanila (na akala ko gusto lang nila magbigay ng regalo). Inisip ko rin na kaya magkasama sila dahil sa sinusundo lamang si Robie ni Rafol. Iyon pala ay sinadya talaga nila kaming makausap. May pa-ninang/ninong proposal pala. Ginamitan ba naman ng mga mabulaklak na salita kung bakit kami ang isa sa mga napili nilang maging tagagabay sa kanila...e di...siyempre hindi ko naman matatanggihan sapagkat pareho silang malapit sa akin. Pero bukod sa pagkuha sa akin bilang ninang ay binigyan din nila ako ng task na ikuwento ang kanilang istorya. 


Napaisip tuloy ako kung alam ko ba talaga ang mga pangyayari sa kanilang dalawa? Pero sige go na lang din sa pagbabalik-tanaw sa kung paano sila nagsimula. 

At ito ang kanilang kuwento na binasa ko sa araw ng kanilang kasal.

**********

Magandang gabi po sa ating lahat.

 

Ako po ay dati nilang adviser noong Third Year sila at guro sa Filipino. Noon po, ako ang nagbibigay ng assignment sa kanila…pero para sa okasyon na ito sila ang nagbigay ng assignment sa akin.


Ganoon po yata talaga…bawian lang.

 

Akala ko po kasi nagbibiro lang si Robie na may speech daw ako at ako raw ang magkukuwento ng kanilang natatanging love story. Pakiramdam ko tuloy ako si Marites na alam ang lahat ng detalye tungkol sa kanila. Ang totoo po niyan, wala akong kinalaman sa kanilang pag-iibigan. Aba’y buhay po nila ‘yan. Pero dahil po sa kailangan ko pong gawin ang assignment ko… magkukuwento po ako. Baka kasi makakuha ako ng mababang score at hindi ako pakainin. Charot lang! Malakas lang po talaga ang itong dalawang ito sa akin kaya simulan na po natin.

 

Ang kuwento ko po ngayong gabi ay pinamagatang Ang Simula ng Walang Hanggan … parang maalaala mo kaya…

 

Simulan po natin nung maging student ko sila.


Ako po ang kanilang adviser noong third year high school nila sa Mambugan National High School. 2010 po iyon… o baka po may nag-compute ng edad ko… please lang po wag na… bata pa po ako. Charrr…

 

Hindi ko man lang nakitaan na magkakagustuhan sila. Parang malabo … dahil mga isip bata pa rin naman sila at happy-happy lang sa klase. May kanya-kanya silang grupo.

 

Si Rafol… Christian pala… madami pa lang Rafol dito... peace po tayo.  Nasa elementary pa lang po ay nakakasama ko na sa RSPC dahil mahusay po talaga siyang gumuhit. Siya po ay editorial cartoonist sa elementary hanggang sa mag-high school. May kakulitan at matanong maliit pa siya noon … kaya nasaksihan ko ang paglaki niya.

 

Samantala si Robie naman po ay 3rd year ko na po nakilala. Napakaiyakin ng batang iyan hanggang ngayon  pa rin naman. Kapag umiiyak pa naman ay madaling mamaga ang mata at nakakaawa. Writer din po siya sa school paper at pareho silang nasa English Publication. Nakasama ko siya sa mga overnight sa pagbuo ng dyaryo noong panahon na iyon.

 

Sa totoo lang po, hindi ko alam kung bakit naging malapit sila sa akin dahil sa pagkakaalam ko po, binubully ko silang lahat noon. Di ba nga?

 

May Facebook na rin noon panahon iyon at parang lahat gusto makipag-friends sa fb at pinag-a-add nila ako as friends. Karamihan sa kanilang magkakaklase at gumawa pa ng Group para sa amin.

 

At dahil isinama nila ako sa FB group, doon ko rin nababalitaan na nagkakaroon sila ng mga get together tuwing December at naging magkakabarkada sila. Nakakatuwa silang makita na buo sila hanggang sa ngayon.

 

Nakarating sa akin ang balita na may crush na pala itong si Rafol kay Robie bago pa man ito magkaroon ng serious relationship. Binalak niya sanang ligawan si ate girl after niyang matapos ang thesis niya kaya lang… nahuli na siya dahil nagka-boyfriend naman ito. Kaya na-heartbroken si kuya niyo. Nagpokus na lang siya sa thesis niya at naghanda na lang sa board exam.

 

During this time naman, nasa rocky road ang relationship ng Ate ninyo hanggang sa tuluyan nang maghiwalay.

 

Ang Marites ko sa part na ito… pero galing ang mga data ko mismo kay Robie dahil sa 2018 na-in siya sa Mambugan NHS kung kaya mas nagkaroon kami ng oras makapaghuntahan and everything…

 

So ituloy po natin, September 2019, nalaman naman ng kuya ninyo na single na ulit si Ate Girl. Kaya chi-nat na niya at hindi na siya nagpatumpik-tumpik kasi baka maunahan pa… tama naman ‘yun di ba. Go for the goal kapag nakakita ng pagkakataon.

 

Kaya lang, may kaartehan po ang Ate ninyo. Ayaw magpaligaw dahil naniniwala sa 100 days o 3 months rule… may ganoon pala. (Hahaha...) Parang dalawang buwan pa lang yata kasi matapos ang break-up.

Isa pa ayaw niya rin dahil friends nga sila tulad ng nakaraan niya... so afraid much si Ate girl.

 

Naikuwento ito sa ‘kin ni Robie na nag-aalangan siya dahil nag-aalala sa sasabihin ng mga Mariano at Marites… pero dahil konsintidor akong adviser/ninang (akalain ninyo hanggang ngayon adviser nila ako!) sabi ko sa kanya, why wait sa 3 months rule na ‘yan… dapat Go! Go! Go! Lang. Deserve ninyong sumaya.


Natatakot siyang masabihan ng mabilis maka-move on… e di ba... Maganda nga iyon kaysa magmukmok… kaya push na ‘yan. Pero siyempre hindi ko naman na alam ang ganap nila… hanggang sa isang araw na nagte-train siya ng mga writer ng dyaryo dahil siya ang SPA noon. Napadaan lang naman ako at nangumusta kung ayos lang sila… kumain na ba at kung may progress na ang ginagawa nila.

 

Chumika ang mga bagets na may naghatid raw ng pagkain sa kanilang Maam. Aba’y syempre lumabas ang pagiging imbestigador ko… sino itechiwa? So, diniscribe ng mga bata ang itsura ng dumalaw at nagbigay ng food. At syempre tama ang hula ko, nagpaligaw na si ate girl at hindi na hinintay ang 100 days…sabi ko ahhh… nakinig!

 

At iyon na nga, nai-chika na ni Robie na pinayagan na niyang papasukin at masuyo ni Rafol ang kanyang puso… October 13, 2019 after Teacher’s day nagsimula na silang maglandian. Magharutan… huntahan… ganorn!

 

By December 31, 2019… hindi pa sila pero may pa-meet the parents na dahil ipinakilala ni Rafol si Robie sa mga magulang niya… kasi sure na siya!

 

Araw ng board exam ni Rafol… Jan 24, 2020, Friday… five years na nakalipas… Gusto ni Ate girl ninyo na ma-boost ni Kuya niyo at maging motivated sa pagkuha niya ng exam kaya binigyan niya ito ng letter at sa letter na iyon, sinagot niya si Kuya niyo… at ayun na nga, pumasa! 

 

Tuwing anniversary nila, gumagawa sila ng magasin na naglalaman ng mga love letter nila sa isa’t isa… parang katulad ng invitation ng kasal nila ngayon. Actually, binalak naming gawing business kaya lang nagka-work na rin si Rafol, so nawalan ng time.

 

Tumatagal na sila, so, anong gagawin after maging sila… magpa-plano naman magpakasal. Sabi ko, kung sa tingin ninyo kayo na ang para sa isa’t isa, aba, magpakasal na kayo. Sa part na ito hindi sila nakinig kasi may dalawang dahilan:

 

Una… mag-iipon daw muna sila.

Pangalawa… sabi ni ate girl… after niya makatapos ng MA…

 

So sabi ko, paano kung hindi mo magawang makatapos… di kayo magpapakasal? Siguro dahil sa 20 years na rin po akong may asawa at may mga realization na rin ako sa pagpapamilya… nasabi ko na… kung nagpaplano kayong bumuo ng pamilya at magkaanak. It’s better na ngayon na.

 

At heto na nga po tayo, naganap na ang kanilang pag-iisang dibdib.

 

Masaya ako para sa inyong dalawa Robie and Christian na kayo ang end game. Another level na ito ng pagiging adviser sa inyo. Hindi na mga lesson sa libro ang pag-uusapan natin. Salamat sa pagtitiwala ninyo sa akin… sa amin na magagabayan namin kayo sa inyong buhay mag-asawa.

 

Basta ang masasabi ko lang na sa tuwing hindi kayo nagkakaunawaan  o nauuwi sa pag-aaway… palagi ninyong balikan ang dahilan kung bakit kayo magkasama…at iyon ay dahil sa mahal ninyo ang isa’t isa. Palagi kayong bumalik sa simula. Panatiliin ninyo ang respeto sa isa’t isa at bigyan pa rin ng space ang bawat isa para sa ME time.


Sa panahon na lahat ng bagay mahirap panghawakan, panghawakan ninyo ang inyong pangako sa isa’t isa na magmamahalan.

 

Tandaan ninyo nandito lang ako…kami para sa inyo.

 

Congratulations and Best Wishes!


**********

Natutuwa talaga ako para sa kanila. Hindi ko man lang nakitaan na mag-iibigan sila noon ngunit ngayon ay nasa bagong kabanata na ng kanilang pagsasama. Masaya ako para sa kanila. Totoo. 

Ninang Marvie (*^_^)

Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me