![]() |
"When you start a new habit, it should take less than two minutes to do."
Ito ang bumungad sa akin nung magbukas ako ng isang app ng aking telepono. Napaisip tuloy ako sapagkat may mga ginagawa naman ako noon na hindi ko na nagagawa sa ngayon. May kagustuhan naman akong magsimula ulit pero palagi akong naroon sa tanong na... kailan?
Totoo namang napakaraming beses ko nang sinabi na magsisimula akong mag-journal, mag-update ng blog, gumuhit, magsulat, magbasa... ang dami kong gustong gawin... kaya naman siguro wala akong masimulan. Isa pa naroon ako sa kaisipang baka hindi ko rin naman magawang magtuloy-tuloy dahil sa may trabaho at iba pang mga paganap sa buhay.
Pero may mga tao o kaibigan talaga na palaging magsasabi na 'subukan mo ulit', 'magsulat ka na ulit' o kaya naman 'kaya mo 'yan!' At ang mga sinasabi nila ang gumugulo sa isipan ko. Magagawa ko kaya talaga? I always have self-doubt. Iyon talaga ang totoo.
Kaya naman nang mabasa ko 'yung isang post tungkol sa pagsisimula ng isang habit sa isang app...napaisip ako na bakit hindi ko nga ulit subukan. Siguro ang maganda lang sa akin, nabubuhay ako sa mga simpleng motivation na nababasa ko o naririnig ko. Kaya sabi ko, subukan ko ulit. Hindi na ako pipili pa ng petsa kung kailan magsisimula.. kasi hindi ko rin naman nasusunod.
Isa sa mga gusto kong simulan ulit ay gumuhit. Doon ako magsisimula sa pagguhit... at ang mga ginuhit ko naman ang magiging laman ng aking blog... at saka ako magkukuwento sa aking journal.
Dumarami na rin ang aklat na mayroon ako na kaya ko binili ay para basahin ngunit naisasantabi ko dahil sa mas pinipili ko ang gadgets. At dahil sa gusto kong magsulat muli dapat na magbasa muna. Magbasa para mas matuto at mapagyaman pa ang bokabularyo. Magkaroon pa ng mas maraming ideya. Mas maging produktibo.
At para magawa ko ang lahat ng ito, hindi dapat ako magpadala sa katamarang palaging dumadalaw sa akin. Kaya naman kung gugustuhin... at dahil sa nasimulan na dapat maipagpatuloy.
Kaya ko 'to! hahaha...
Walang komento: