Madalas kong tanungin ang sarili ko kung bakit pa ba ako gumawa ng pagkakaabalahan ko na hindi ko naman mapanungkapan?
Noon pa man, bet na bet ko na ang magkaroon ng sariling website kaya nga gumawa ako ng blog site ko hindi lang isa o dalawa kundi marami. Gumawa ako sa iba't ibang blogging site. Gumawa ako blog sa Blogger, Wordpress, Livejournal, Tumblr, Multiply, at Friendster. At may Wattpad account din ako.
Isa lang naman ang dahilan ko sa paggawa ng mga iyan noon. Gusto kong magsulat. Gusto kong magkuwento. Iyon naman talaga 'yon.
Pinaka-unang blog na nagawa ko ay sa Friendster (2005). Natuwa lang ako noon sa friendster dahil naglagay sila ng features na pwedeng gumawa ng blog bukod sa pagbibigay ng testimonial sa mga friends mo. Natuwa ako noon dahil sa nakapagpapaskil ako ng mga laman ng isip ko... ng mga sinulat ko. Kaya lang hindi naman ito nagtagal dahil napag-iwanan ito ng Facebook kaya nawala sa eksena ang Friendster.
Taong 2010 naman ako gumawa ng blog account sa Blogger. Nalaman ko lang ito sa paglalakbay sa web dahil may mga nabasa akong mga post at ang gamit nilang wika ay Filipino. Kaya lalo akong nahikayat gumawa dahil pwede palang Filipino ang wikang gamitin. Dalawa ang ginawa kong blog sa Blogger noon, isa para sa mga pansariling karanasan o kaya mga laman ng isip ko at iyong isa naman ay para sa kinawiwilihan ko, mga pelikula at serye. Iginagawa ko ng rebyu ang mga napapanood ko...ewan ko lang kung rebyu nga bang matatawag iyon pero dahil may mga nag-follow naman sa akin kaya mas lalo akong ginanahang magsulat pa sa dalawang blog na iyon noon.
Ito naman ang unang post ko sa isa sa mga blog ko sa Blogger. At bukod sa dalawang nagawa kong blogsite nakagawa rin ako ng blog para sa mga estudyante ko noon at sa pinapasukan kong paaralan. |
Nalaman ko naman ang Tumblr (2011) sa mga estudyante ko...sabi nila maganda raw ito kaya gumawa ako ng account doon. Nakakatuwa naman talaga sa Tumblr. More on pictures, mga gifs, mga qoutes at marami pang iba. Hindi nakakabagot tumingin-tingin. Kaya lang noon hindi ganoon kaganda ang internet connection ko (actually, kahit ngayon...π π ) kaya hindi ko ito madalas mabuksan para makapagpost. Ilang beses ko na ring ni-retrieve ang account ko kasi di ko na mabuksan.
Ito naman ang account ko sa tumblr. Masaya maglakbay sa site na ito. Parang gusto ko pa ring balikan. |
Sunod kong nalaman ang Livejournal (2012) mula sa kapatid ko. Natuwa ako sa site na iyon kasi may mga pwedeng ilagay na hindi pa available noon sa Blogger (o baka hindi ko lang din alam noon hanggang ngayon nga yataπ). Tulad sa una kong ginawang blog, ganoon rin ang ginawa ko sa Livejournal. Tungkol din sa mga paborito kong pelikula at serye. Pero dahil mas friendly gamitin ang Blogger kaya naging madalang ang pagpopost ko doon hanggang sa hindi ko na na-update.
Livejournal. Ilang paskil lang ang nailagay ko diyan hindi ko na ulit nabalikan. |
Sa taong din ito 2012, gumawa ako ng account sa Wattpad. Nahikayat din akong gumawa dahil palagawa rin ako ng kuwento. Isa itong platform na pwedeng i-publish ang mga kuwento, nobela o kaya tula at iba pa na pwedeng subaybayan ng mga readers na nag-follow sa iyo. Kaya nga lang noon, mataas ang antas ng pagkopya ng mga kuwento at inaangkin ng iba ang gawa ng mga orihinal na sumulat. Kaya nagdalawang isip akong ipaskil ang mga sinulat ko hanggang ngayon iisang tula ang naka-publish sa akin account. Iyong iba nasa draft lang magsasampung taon nang nakaimbak doon.
Ang aking Wattpad account. I-publish ko ba yung nasa draft ko? hehehe |
Sunod ang Multiply...binalak kong gumawa ng account pero dahil hindi ko maintindihan ang interface nito. Kaya minabuti ko na lang na mag-focus sa Blogger.
Ang pinakahuli kong ginawa na blog ay iyong sa Wordpress (2017). Wala naman talaga akong balak gumawa ng account sana doon pero dahil nagtanong-tanong ako tungkol sa paggawa ng website kaya nakagawa ako. Maganda raw kasing wordpress ang gamitin kung gusto kong gumawa ng website. At dahil looking forward ako sa paggawa ng website, sinubukan kong gustuhin ang Wordpress...sad to say, hindi ko magamay ang paggamit nito kaya nag-stick na lang ako sa blogger.
Wala man lang akong nailagay na matino dito. Dalawa lang ang post ko dito at hindi ko na binalikan. |
At last year nga, naisakatuparan ko ang pagkakaroon ng sariling website. Sariling domain. Gumawa pa ako ng bagong blog account para fresh ika nga ng friend kong si Ryan na nanghikayat sa akin para i-push ang paggawa nito. Sobra akong na-excited at natuwa noon. Nag-launching ek-ek pa ako...kaya lang parang pagkatapos noon...napatanong ako sa sarili ko...ANONG NANGYARI?!? Bakit parang paghihintay sa patak ng ulan sa tag-araw ang mga post ko? Bakit hindi ako nakapagpapaskil?
Nagsimula akong panghinaan ng loob. Pakiramdam ko, sabi lang ako ng sabi na gusto kong magsulat pero bakit wala akong masulat? Nagkaroon din ako ng pagkakataong, suriin ang ginawa kong site. Ano ang kulang? Ano ang mali?
Pero napagtanto kong wala namang mali. Walang kulang. Ayos naman...pero ako pala ang may problema. Naroroon pa rin sa akin ang takot na tuwing magsusulat ako...iniisip ko na agad kung magugustuhan ba ito ng magbabasa? Kung may magbabasa nga ba? Hanggang sa pakiramdam ko, wala namang kuwenta talaga ang mga ginagawa ko...ang mga naiisip ko.
Gusto ko na ngang huminto pero ito 'yung gusto ko. Bata palang ako, hilig ko nang magsulat bakit hindi ko magawa ngayon? Bakit ba ako natatakot sa sasabihin ng iba? Kaya siguro hindi ko magawang maisulat ang mga gusto kong isulat sa paraan na gusto ko dahil sa isipin kong iyon. At hindi iyon nakakatuwa. At kaya rin siguro, hanggang ngayon ay nakatago lamang sa mga pahina ng mga kuwaderno ang aking mga naisulat dahil nag-aalinlangan akong ipabasa ito sa iba.
Na-realize ko na, mula hayskul nagsusulat na ako ng mga simpleng tula, kuwento maging mga awitin pero wala namang nakakabasa o kaya nakakapakinig...para saan pa? Kaya naman naisip ko na siguro dapat iwasan ko na ang maging nega at mas pagtuunan ko ang isang bagay na nagpapasaya sa akin...iyon ay magsulat.
Kaya naman, magpapatuloy pa rin ako sa kabila ng mga alinlangan...magtitiwala pa rin sa sariling kakayahan sa kabila ng mga alalahanin. Kaya ko ito!(*^_^)
Walang komento: