2019 nang mabili ko ang gitarang ito sa SM Megamall. Ito ang kasalukuyang ginagamit ko kapag gusto ko lang tumipa't tumugtog. |
Nasa second year high school ako nang bilhan ng gitara ni Tatay.
Nasa isip ko noon, bumili siya ng gitara para hindi ako lumayas ng bahay.
Naaalala ko pa noong unang mapatid ang kwerdas nito. Nag-uumapaw ang luha ko sapagkat hindi ko alam kung paano ko sasabihing naputol ko...at hindi ko sinasadya.
Pinagtawanan niya ako.
Sabi niya, 'talagang napuputol ang string niyan kapag palaging ginagamit...bibili na lang tayo ng pamalit.'
Doon ko nalamang napapalitan pala ang string ng gitara. At natuto akong magpalit ng string.
Marunong maggitara si Tatay pero hindi siya marunong magtono. Kaya tuwing nawawala sa tono ang gitara, pinapupunta niya ako sa kanto upang ipatono ito kay Mang Efren. Magiliw naman akong hinaharap nito at ilang sandali pa nasa tono na ang gitara.
Junior size ang gitarang binili ni Tatay. Nylon ang string para daw hindi masakit sa daliri. Isa pa, sabi rin ni Tatay, ang tunog nito ay parang piano. Naniwala naman ako. Totoo namang hindi masakit sa kamay at sa isang banda, parang ganoon nga ang tunog.
Tinuruan niya ako ng mga simpleng chords. At ang unang kanta na itinuro niya ay ang kanta ng bandang Bon Jovi na I'll be there for you. Madali lang kasi ang chords parang katulad ng Line to Heaven ng Introvoys na karaniwang unang kantang itinuturo sa mga baguhang maggitara noon.
Itinuro niya rin sa akin kung paano ko titingnan ang chord chart. Kapag natutuhan ko raw iyon ay madali na sa akin ang tumugtog. Dala na rin na wala namang ibang pagkakalibangan kundi magbasa, maglaro o kaya'y maggitara kaya naman naaral ko ang karaniwang gamitin na chords. Pero hirap na hirap ako noon sa chord na F at B (hanggang ngayon naman hirap pa ako sa B) ... kaya madalas nilalaktawan ko ang mga kantang may chords na ganyan.
Nawili rin ako sa pamimili ng songhits dahil mahilig naman talaga akong makinig sa musika. Isinusulat ko pa sa notebook ang lyrics ng mga paborito kong kanta noon. Pero dahil sa may gitara na, kailangan ko ng lyrics na may chords kaya bumibili ako ng songhits mula sa naipon kong baon. Binibilhan din naman ako ni Tatay ng mga songhits na labis kong ikinatutuwa bukod sa pasalubong niyang pagkain.
Tuwing umuuwi si Tatay mula sa panggabing trabaho, hindi siya agad natutulog. Hihingin niya ang gitara at titipahin ang alam niyang mga kanta tulad ng House of the Rising Sun at The Great Pretender. Ako naman ay nasa tabi niya nakikinig o kaya kakantahin ang mga ito.
Kapag napagod na siya, ibibigay niya sa akin 'yung gitara at hihilingin niyang tugtugin ko 'yung mga paborito niyang kanta. Madalas nakakapag-jamming kami ni Tatay lalo na kapag wala siyang pasok.
Nararamdaman kong natutuwa siya kapag nakikita niya akong naggigitara. At kapag napapagalitan ako ni Nanay dahil dito ay ipinagtatanggol niya ako. Kapag may mga bago siyang paboritong kanta na narinig sa radyo, sinisikap kong aralin ang chords noon dahil sa hihilingin niyang tugtugin ko ito kapag nag-jajamming kami.
Nang ako'y magkolehiyo sa Maynila, dinadala ko ang gitara kapag magaan ang klase namin. Doon kaming magkakaibigan magtitigil sa lagoon at magtutugtugan. At dahil AB Filipino ang kurso namin, nawili ako sa pagsusulat ng tula na kalaunan ay nilalapatan ko na ng tono at chords.
Doon naman nagsimula ang pagsulat ko ng mga awitin. Bagamat hilaw pa ang paraan ng pagtugtog ko maging ang paghabi ko ng salita, natutuwa ako kapag pinapakinggan iyon ng aking mga kabarkada. Hanggang sa sumali kami sa isang patimpalak sa paglikha ng sariling komposisyon. Talo man pero masaya pa rin kami ng kaibigan kong si Gege dahil napakinggan ang ginawa namin.
Simula nga noon, natuwa na akong sumulat ng sarili kong awitin. May mga kaibigan akong alam na alam na ang tono maging liriko nito kaya nakakatuwa at nakakakilig din.
Ngunit ang mga awitin kong ito ay hindi napakinggan ni Tatay. Siguro nauulinigan niya pero hindi ko nagawang iparinig sa kanya. Naging abala na kasi siya sa trabaho at madalas ay hindi na siya nagde-day off. Katuwiran niya nasa kolehiyo na kami at kailangan niyang kumayod sa trabaho. Kaya naman kung dumarating siya sa umaga mula sa panggabing schedule nilalabas ko kaagad ang gitara para kami makapagkantahan.
Maggigitara siya, kakanta ako. Maggigitara ako, kakanta rin ako. Habang siya nakasandal ang ulo sa sofa at nakapikit na sinasabayan niya ang pagtugtog ko sa pamamagitan ng pagtapik ng kamay niya sa upuan. Palagi kong huling tinutugtog ang Leader of the Band. Bagaman hindi ko literal na sinasabi sa kanya na alay ko iyon sa kanya ay tila alam na niya.
Sa ngayon, naaalala ko ang mga jamming namin. Pagpapatugtog niya ng mga paborito niyang kanta. At pagbili niya ng mga songhits para sa akin. Pagkanta ko habang tumutogtog siya. Lahat bahagi na lamang ng alaala.
Isang bagay lang ang gusto ko sanang nagawa noong panahong nanghihina na siya. Bagaman madalas kong dinadala 'yung gitara (bagong gitara) sa tuwing dumadalaw sa kanya, hindi ko naman siya natugtugan. At tuwing sasabihin niyang, hindi mo man lang ako kinantahan...sasabihin kong sa susunod na lang na punta.
Kaya lang, mahirap palang mangako ng 'susunod na lang'. Minsan kasi wala na palang susunod. Parang awitin, kahit gaano kaganda ang kanta natatapos din ito at wala nang kasunod. Kaya hindi dapat ipinagpapabukas pa ang mga bagay na nakapagbibigay ng saya sa ngayon. (*^_^)
Walang komento: