Patok na Kdrama Series 2020

Patok na Kdrama Series 2020

Isa sa mga dahilan kung bakit ako gumawa ng blog noon ay para makapagbahagi ng mga pelikula at serye na napanood ko. At dahil matatapos na ang taong ito, naisip kong ibahagi ang mga kinawilihan kong panooring Kdrama series ngayong taong 2020.


Taon-taon, maraming serye ang nagagawa ng SK na kinawiwilihan ng mga tao hindi lang dito sa Pilipinas maging sa ibang bansa. At sa dami nito, hindi lahat nagagawa kong subaybayan kung kaya't ang mga nakatala rito ay base lamang sa aking panlasa at napanood.


Narito ang mga PATOK (para sa akin)  na KDRAMA SERIES 2020:


  • Kingdom 2


Season 2 na ito ng Kingdom at mas lalo ko pang naibigan ang maikling serye na ito. Mayroon lamang itong anim (6) na episode na pinagbibidahan nina Ju Ji-hoon at Bae Doona kasama sina Kim Sung-kyu, Jeon Seok-ho, Ryu Seung-ryong, at Kim Hye-jun. Noong January 25, 2019 ipinalabas ang season 1 sa Netflix at ngayon taon naman ni-release ang Season 2 (March 13). Sa Season 1, tungkol sa pag-iimbestiga ni Prinsipe Lee Chang tungkol sa karamdaman ng kanyang ama at sa misteryosong salot na kumalat sa bayan at naging mga zombie ang mga tao. Naging kaabang-abang ang Season 2 dahil na rin sa bitin na bitin ang katapusan nung nauna. Ipinagpatuloy dito ang pagtuklas sa maaring gamot sa sakit upang mapigil ang pagkalat nito at ang usapin sa puwesto sa kaharian. Natapos ito na tila nalutas na ang problema ngunit may pahabol na pangyayari ito na naging usap-usapan dahil sa nakakapanabik na pagpasok sa eksena ni Jun Ji-hyun sa huling bahagi. Inaasahan na may Season 3 ito na nakatakdang ipalabas sa susunod na taon. 


  • Beautiful Love, Wonderful Life


Nagsimula ito last year, September 2019 at natapos noong March ngayong taon. Bagaman last pa ito nagsimula umabot naman ito ng 2020. May 100 episode ito na pinangungunahan nila: Seol In-ah, Kim Jae-young, Jo Yoon-hee, Yoon Park at Oh Min-suk. Ilan sa mga binigyang pansin sa palabas na ito ang usaping pampamilya, bullying, depression at status sa lipunan. 

  • Hospital Playlist


Ipinalabas ito simula March 12 hanggang May 28 at may 12 episode. Tungkol naman ito sa pagkakaibigan, buhay, love at musika. Bawat episode may mga tinutugtog ang bandang binuo ng mga tauhan sa serye na ginampanan naman nina Jo Jung-suk, Yoo Yeon-seok, Jung Kyung-ho, Kim Dae-myung and Jeon Mi-do na tinawag namang Mido and Falasol. Isa sa mga tinugtog nila na bet na bet ko ay Me to You, You to Me. Ilang beses ko na rin kasi itong narinig sa mga pelikula na napanood ko noon at ang pinaka-recent na gumamit nito ay ang shortfilm na Untact. Magkakaroon ito ng Season 2 at ito ang aabangan ko sa susunod na taon.

  • Hi Bye, Mama!




Pinalabas naman ito noong February 22 - April 19 sa Netflix at TVN at sila  Kim Tae-hee, Lee Kyu-hyung at Go Bo-gyeol ang mga pangunahing gumanap dito. Umikot ang istorya pagnanais ni Cha Yu-ri (Kim Tae-hee) na maging tao ulit para sa kanyang anak. Maraming aral ang ibinigay ng palabas na ito sa akin. Halos bawat episode ay tumulo ang luha ko. Nababagay itong panoorin ng buong pamilya. Ipinakita rito kung paano magmahal ang isang ina na gagawin ang lahat para sa kanyang anak.

  • The King: Eternal Monarch



Isa ito sa  mga inaabangan kong serye sa pagpasok ng taon. Una, dahil sa paborito ko si Kim Go-eun at pangalawa nagkaroon ako ng interes sa tatakbuhin ng palabas tungkol sa parallel world. Mula April 17 - June 12 naman ito umere sa Netflix at SBS TV. May mga hindi nagustuhan ang takbo ng istorya dahil hindi ganoon kadali basahin ang mga pangyayari sa serye lalo na kung hindi natapos. May mga tanong na maiiwan sa manood tuwing matatapos ang episode at siguro iyon ang dahilan kung ilang di mainam na kumento sa palabas. Pero bukod sa panonood ng mismong serye, sinundan ko rin ang mga panonood ng mga 'behind the scenes.'  Kasama ni KGE sina Lee Min-ho, Woo Do-hwan, Kim Kyung-nam, Jung Eun-chae at Lee Jung-jin


  • It's Okay To Not Be Okay


Masasabi kong napapanahon ang pagpapalabas ng seryeng ito lalo na't dumaraan sa suliraning pangkalusugan ang maraming bansa. Napapanahon sapagkat tungkol sa mental health ang tinalakay sa serye na ito. Bawat episode may kaso na tinatalakay na pinagdaraanan ng isang tao at mga dahilan kung bakit sila humahantong sa nawawala sa katinuan. Tumatak sa akin ang episode 4, tungkol sa anak na naghahanap ng pagmamahal mula sa kanyang magulang na ang laging iniisip ang posisyon at pangalan ng pamilya. Ipinalabas ito noong June 20 - August 9 sa Netflix at TVN at pinagbidahan nina  Kim Soo-hyun and Seo Yea-ji


  • 18 Again


Naka-based naman ito sa pelikulang 17 Again na ipinalabas noong 2009 kung saan bida si Zac Efron bilang bumatang si Matthew Perry ngunit sa bersyon ng South Korea, ito ay ginawang serye na may 16 na episode. Sina Kim Ha-neul, Yoon Sang-hyun at Lee Do-hyun ang gumanap dito. Isa sa mga nagustuhan ko sa seryeng ito, naipakita ang magkabilang side ng mag-asawang Jung Da-jung at Hong Dae-young. Ang kanilang mga isinakripisyo noong maaga silang nagkaanak at maisantabi ang kanilang mga pangarap. Binigyan-pansin din dito ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa. Sa palagay ko, maganda itong sabay na panoorin ng mag-asawa. Ipinalabas ito mula September 7 hanggang November 10 sa JTBC.

  • Start Up


Isa ito sa naging maingay na serye ngayon. Ipinalabas ito sa TVN at mapapanood din sa Netflix. Umere ito simula October 17 - December 6 at sina Bae Suzy, Nam Joo-hyuk, Kim Seon-ho at Kang Han-na. Hindi lamang ito tungkol sa first love ni Dal-mi ngunit tungkol din ito sa  pagnanais niyang maging isang CEO. Nagustuhan ko rin na binigyang pansin dito ang mga kababaihan sapagkat ang namumuno sa Sandbox ay babae, si Dal-mi at ang ate niya ay nagpakita na may kakayahan ang mga kababaihan na mamuno sa kompanya. Sa usaping first love naman ni Dal-mi, bagaman isa ako sa mga maka-Team Ji-pyeong nagwagi pa rin naman sa huli si Nam Do-san. Nagustuhan ko sa character ni Han Ji-pyeong ang pagiging professional, mature, at kung paano niya tinanggap ang pagkatalo niya kay Do-san. Kaya katulad ng ibang mga fan, mas gusto ko ring mas maging masaya ang ending para sa kanya. 


Bukod sa mga iyan, marami pang naka-pilang serye sa listahan ko. Ilan lamang iyan sa mga napanood ko ngayong taon. Sa ibang paskil ko na lamang iyon babanggitin. Sa ngayon, ilan sa mga on-going na pinapanood ko ay ang The Uncanny Counter, Sweet Home at True Beauty



Photos grab from soompi

2 komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me