Kuwentong Dyornal

Kuwentong Dyornal

Isa sa taon-taon kong ginagawa ay sumulat sa dyornal ng mga gusto kong mangyari para sa buong taon at pagpapasalamat sa isang buong taong dumaan. Ginagawa ko ito habang hinihintay ang hatinggabi bago lumipat ang taon. Para sa akin, isa itong ritwal na gawain. Pero sa pagpasok ng taong ito, hindi ko ito ginawa. Siguro tinamad ako o baka ayoko lang munang gawin. 

Ilan sa aking dyornal mula 2009.


Sa totoo lang, taon-taon ko ring sinusulat  na dadalasan ko ang pagsusulat sa aking dyornal. Isa kasi ito sa mga routine na ginagawa ko noon pa man bago matulog pero habang umeedad ako at dumarami ang priorities (trabaho o pamilya) naging matumal na rin ang pagsusulat ko. Parang katulad lang rin ng pagpapaskil ko sa aking mga blog

Nasa second year high school ako noon nang magsimula akong magsulat ng diary. Gumawa ako ng sulatan mula sa mga likod ng bondpaper na may sulat at saka ko dinikit ng glue. Doon ako nagsimulang magkuwento ng mga nangyayari o naganap sa akin araw-araw. Doon ikinukwento ko ang aking mga karanasan at naramdaman buong maghapon. Wala akong absent sa pagsusulat.

Nang ako ay magkolehiyo, mas marami akong naikukuwento subalit kung minsan ay nakakalimot akong magtala. Marami na kasing kailangang gawin at tapusing mga activities. Ngunit mas nagiging mature na ang mga sinusulat ko. Hindi na lamang ito sumbungan ng aking mga hinaing kundi naging saksi na rin ito ng mga pagbuo ko ng mga pangarap. Mas maraming naikukuwento bagaman hindi araw-araw, naitatala ko ang mga magagandang bagay na naranasan ko.

At dahil bahagi na ng sistema ko ang sumulat ng diary na mas tamang tawagin ko nang dyornal noong ako'y nagtatrabaho, nawili na rin akong bumili ng mga kwarderno o notebooks. Madalas akong bumili kahit hindi ko pa naman masusulatan sapagkat napakarami pang nakapila. Isang kaligayahan ang magkaroon ng panibagong notebook o dyornal o kahit anong bagay na masarap sulatan.

Mas naging madalang ang pagsusulat ko ng dyornal habang ako'y tumatagal sa trabaho. Marami na kasing kailangang gawin at may mga deadlines ang mga ito na hindi maaring iisantabi. Ngunit napagsusumikapan kong magsulat. Kung minsan, nakapagsusulat ako ng mga naganap sa nakalipas na dalawang linggo. 

Palagi kong nababanggit sa aking mga tala noon pa man na gusto kong magsulat at siguro nga sa palagian kong pasusulat sa dyornal kaya rin ginusto kong magsulat. Ito rin ang dahilan kung bakit gumawa ako ng mga blog noong natutuhan ko ito taong 2009. Bukod sa dyornal na sulat kamay, gumawa rin ako ng blog na naglalathala ng mga gusto kong ikuwento. Mga kuwentong barbero lang.

Inipon kong lahat ang mga dyornal na ginawa ko mula pa noong ako'y hayskul subalit nang nanalanta ang bagyong Ondoy, napilitan akong itapon ang mga ito. Inabot ng baha at nabasa ang karamihan sa mga diary ko noong panahon ng aking kabataan. Pakiramdam ko, nawalan ako ng alaala. Ang hirap kasing bitawan pero wala na akong nagawa.

Ito ang mga na-Ondoy na diary na tuwing binabasa ko natatawa na lang ako.
May mga pagkakataon pang nag-iingles ako at kapag nababasa ko ito noon napapakamot na lang ako ng ulo.

Inisiip ko noon na marami pa namang natira. Pero iba pa rin kasing basahin 'yung mga sinulat ng munting ako. Nakakatawang alalahanin ang mga napakalaking isyu noon para sa akin na wala naman pala talagang kuwenta ang pagmamaktol ko. Ngayon inaalala ko na lamang ang mga bahaging iyon ng aking kabataan kung saan ang tanging sumbungan ko ay mga papel na pinagsama-sama ko para makabuo ng isang notebook

Siyempre sa ngayon, medyo sosyal na ang aking mga sulatan kaya nga lamang hindi ko naman madalas masulatan sa dami ng mga nakaabang na gawain. Pero katulad ng paulit-ulit kong pinapangako sa aking dyornal tuwing matatapos ang taon, magpapatuloy ako sa pagsusulat ng dyornal sapagkat pinagagaan nito ang aking pakiramdam. 

Ito na ang bago kong dyornal ngayon. Last day ng 2018 ko ito sinimulang sulatan base na rin sa naging gawi ko tuwing papasok ang bagong taon. Hanggang ngayon ginagamit ko pa at marami pang pahina dahil hindi ako madalas makapagsulat. Umaasa ako ngayong taon marami akong maitatala diyan.


Totoo. Isa sa mga nagpapakalma sa akin ang pagsusulat ng dyornal sa mga panahong ako ay nalulungkot, nagagalit, nawawalan ng gana sa buhay at marami pang iba. Nagiging sandalan ko ang aking dyornal. Ito ang nagsisilbing piping tagapakinig ng aking mga hinaing o kaya saksi sa aking mga simpleng kaligayahan.

Bahagi na ng sistema ko ang pagsusulat ng dyornal at hanggang naroon pa rin ang dulot nitong ligaya at comfort sa akin hindi pa rin ako titigil na magdyornal.

Eh, kayo ba nagdyo-dyornal? Bakit hindi ninyo subukan? Baka maging daan pa iyan para malaman ninyo ang talagang gusto ninyo sa buhay. (*^_^)



Walang komento:

×

Translate

Pageview

Latest Posts

Tagasubaybay

Follow me