Tela, sinulid at karayom, ito ang naging libangan ni Nanay Brenda sa panahon ng pandemya, ang pagbuburda at ang bunga ng libangan na ito ay isang fashionable mask dahil sa natatangi nitong disensyo.
Ayon sa kanyang bunsong anak na si Carly, nagsimula raw gumawa ng mask ang kanyang ina noong Abril gamit ang mga telang available sa bahay nila. Ang kanyang mga ginawa ay para sa kanila lamang sapagkat mahal pa noon ang surgical mask. Kasunod noon ay nagpabili na ito ng katsa at saka binurdahan.
Ikinatuwa nila ang ginawa ng kanilang ina kaya pinost nila ito sa Facebook. May mga natuwa at nagandahan sa mga gawa ni Nanay at may mga nagtatanong kung ito ba ay binebenta hanggang sa may mga umorder, doon na siya nagtuloy-tuloy gumawa ng mga mask na ang karaniwang disenyo ay bulaklak.
Natutuhan daw ni Nanay ang pagbuburda mula pa sa kanyang nanay kaya't masasabing dalaga pa siya ay marunong na siya magburda. "Actually nung mga bata kami pati mga sando naming panloob may burda. Hilig nya talaga yun, madami rin siyang naipon na sinulid dahil sa pagkocross stitch niya." kuwento pa ni Carly.
Ngunit alam niyo ba na itong pagbuburda na ginagawa ni Nanay Brenda ay higit pa sa libangan sapagkat ito ang umaaliw sa kanya upang hindi ma-stress sa kanyang sakit. Si Nanay Brenda ay kasalukuyang lumalaban sa sakit at kasisimula pa lamang ng kanyang chemo. Kaya naman iniipon ni Nanay ang kinikita niya sa masks para maipambili ng mga kailangan niya sa chemo at pambili ng mga pagkain.
Noong hindi pa nagche-chemo si Nanay, nakagagawa siya ng limang facemask sa loob ng isang araw. Nabawasan ito nang magsimula ang kanyang session. Ngunit nagiging katuwang naman niya sa paggawa ang kanyang pangalawang anak sapagkat naturuan na niya itong magburda.
Dagdag din ni Carly, karamihan sa mga design ay idea ng kanyang ina at ito rin mismo ang nagdo-drawing noon. Pero kapag may mga personalized design, siya ang nagiging taga-sketch ng kanyang nanay.
Nagbabalak din silang gumawa ng tote bag pero sa ngayon naka-focus sila sa paggawa ng mask dahil sa marami ang order sa ngayon.
Isa ako sa mga natuwa at nagandahan sa mga gawa ni Nanay Brenda kung kaya bumili ako nito sa pamamagitan ni Carly. (Kaibigan ko po siya hindi lang halata.) At bilang suporta sa laban ni Nanay, hinihikayat ko kayong suportahan ang kanyang likha sapagkat isa itong pagpapatunay na sa kabila ng kinakaharap niya positibo pa rin ang pagtingin niya rito at makikita ito sa kanyang mga gawa.
Paalala lang:
Alalahanin natin na isa na sa pangangailangan natin ngayon tuwing lumalabas ng bahay ang facemask bukod sa faceshield at alcohol kaya bumili na kayo. Narito ang link ng FB ni Ateng Carly: ↪https://www.facebook.com/carly.ramirez.54584
Yes! Binurdahang Pag-asa! Loveit! friend..
TumugonBurahin